Nilinaw ng Malacañang na hindi maaaring pigilan ang mga Pilipino na umuwi sa Pilipinas kung kanilang nanaisin.

Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque nang tanungin ang posibilidad ng pagpapatupad ng total travel ban ng pamahalaan para sa mga bansang nakapagtala na ng bagong variant ng COVID-19.

Sinabi ni Sec. Roque, karapatang pantao ng mga Pilipino ang makabalik ng bansa kahit kailan nila naisin at una na rin itong pinagtibay o kinilala ng Korte Suprema.

Ayon kay Sec. Roque, ang gagawin ng pamahalaan ay ipatupad ang mga hakbang at pag-iingat para maprotektahan ang mas nakararaming Pilipino sa COVID-19 nang hindi pinagbabawalang makabalik ng bansa ang ibang kababayan.

Kabilang umano sa mga hakbang na ito ay ang pagpapatupad ng 14-day mandatory quarantine sa mga Pilipinong umuuwi sa bansa sa kabila ng mga umiiral na travel restriction.