-- Advertisements --

Nakapagtala ng panibagong paghina ang pag-utang sa mga bangko dahil pa rin sa COVID-19 pandemic kung saan bumaba ang demand mula sa mga iba’t ibang industriya.

Batay sa preliminary data na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), lumago lamang sa 4.7 percent ang loans sa universal at commercial banks nitong Agosto, mas mababa sa naitalang 6.7 percent noong Hulyo.

Sinabi ng BSP na maliban sa mababang demand, nakadagdag din sa mahinang pagpapautang ang risk aversion o pag-iwas sa peligro ng mga lenders o mga bangko.

Tanging ang mga nasa sektor ng edukasyon, kalusugan at social work ang nananatiling mataas ang loan activities.

Kabilang sa bumaba ng loans o pag-utang ang mga key sectors gaya ng manufacturing, wholesale and retail ng motor vehicles, gayundin ang mga personal o household loans ay bumaba rin.

Kaugnay nito, inihayag ng BSP na pagsisikapan umano ng mga monetary at fiscal authorities na mapalakas ang market confidence dahil kritikal ito bilang suporta sa bank lending activity.