-- Advertisements --

Posibleng tumaas umano ang presyo ng bigas sa bansa at umabot sa P60 hanggang P62 kada kilo pagsapit ng Setyembre, ayon kay Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel Jr.

Sa pagdinig ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, sinabi ni Laurel na ang inaasahang pagtaas ay dulot ng pagmahal ng abono, na halos dumoble na ang presyo mula P1,650 hanggang P3,000.

Ipinaliwanag niya na kung magpapatuloy ang mga magsasaka sa tradisyunal na paggamit ng urea at hindi lilipat sa alternatibong fertilizers na inirerekomenda ng Department of Agriculture (DA), mas tataas ang gastos sa produksyon na magreresulta sa mas mataas na presyo ng bigas.

Dagdag pa ng kalihim, pinag-aaralan na ng DA ang ilang hakbang upang mapigilan ang pagtaas ng presyo, kabilang ang pagpapatupad ng “rice blend” at “corn blend.”

Ang rice blend ay paghahalo ng imported at lokal na bigas, tulad ng 70-30 o 60-40 ratio, upang mapanatili ang suplay at makatulong sa mga magsasaka.

Samantala, ang corn blend naman ay kombinasyon ng puting mais at bigas sa 50-50 na proporsyon bilang alternatibong pagkain.

Patuloy umanong naghahanap ang pamahalaan ng mga paraan upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas sa gitna ng tumataas na gastos sa produksyon.