Posibleng tumestigo si dating Police Colonel Royina Garma sa paglilitis ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga patayan sa ilalim ng ‘war on drugs.’
kinumpirma ni dating Senador Antonio Trillanes IV na natanggap niya ang impormasyon tungkol sa posibleng pagtestigo ni Garma, na aniya ay bahagi ng mga naunang isiniwalat nila tungkol sa extrajudicial killings sa Pilipinas sa ICC.
Bagaman hindi pa tiyak ang eksaktong laman ng kanyang magiging testimonya, nauna nang humarap si Garma sa isang komite ng Kamara de Representantes kung saan tinalakay ang umano’y implementasyon ng tinatawag na “Davao Model.”
Ito ay sinasabing sistema ng gantimpala para sa pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Trillanes, bukod kay Garma, inaasahan ding tumestigo sa ICC ang iba pang personalidad tulad ng mga umano’y dating hitman na sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas, na dati nang nagbigay ng pahayag tungkol sa mga alegasyon ng patayan.
Patuloy pang inaantabayanan ang opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC kaugnay ng mga saksi at saklaw ng kanilang testimonya sa kaso.
















