Itinalaga ng International Criminal Court (ICC) si Judge Joanna Korner bilang presiding judge ng Trial Chamber III na hahawak sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga.
Sa isang dokumentong may petsang Abril 29, kinumpirma ng ICC Trial Chamber III na si Korner ang napiling mamuno sa tatlong-Judges panel.
Ang desisyon ay ginawa ilang araw matapos buuin ng ICC Presidency ang naturang trial chamber noong Abril 24.
Ang Trial Chamber III ay binubuo nina Korner, Judge Keebong Paek, at Judge Nicolas Guillou, at ito ay pormal na binuo noong Abril 24 ng ICC Presidency upang dinggin ang kaso laban sa dating pangulo.
Si Judge Korner ay isang beteranong British judge na may mahigit 45 taong karanasan sa larangan ng criminal law. Nagsimula siya sa ICC Trial Division noong Marso 2021 at mananatili hanggang 2030.
Bago sumapi sa ICC, nagsilbi siya bilang hukom sa Crown Court ng England at Wales, kung saan humawak siya ng mga kasong kriminal tulad ng murder at fraud. Naging bahagi rin siya ng International Criminal Tribunal for the former Yugoslavia bilang senior prosecutor.
Noong 2004, ginawaran siya ng Companion of the Order of St. Michael and St. George (CMG) bilang pagkilala sa kanyang serbisyo sa international law.
Ang pagbuo ng Trial Chamber III at pagtalaga ng presiding judge ay itinuturing na mahalagang hakbang sa pag-usad ng kaso laban kay Duterte sa ilalim ng ICC proceedings.
















