-- Advertisements --

Mananatili pa ring tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa usapin ng West Philippine Sea si retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni Trinidad na agad siyang nakatanggap ng utos mula sa AFP upang manatiling special spokesperson sa kabila ng kaniyang pagreretiro sa Philippine Navy.

Nagretiro ang 2-Star General noong nakaraang linggo kasabay ng kaniyang ika-57 na kaarawan. Ayon kay Trinidad, magsisilbi pa rin siya bilang Reservist upang matiyak na maipararating ang mensahe ng Pilipinas sa buong mundo kaugnay ng mga usapin sa pinag-aagawang karagatan.

Isa si Trinidad sa pinaka-vocal laban sa propaganda ng China sa West Philippine Sea, at nagsilbi rin siyang fake news buster upang igiit ang karapatan ng Pilipinas at ng mga Pilipino.

Bago naging tagapagsalita ng AFP para sa WPS, nagsilbi rin si Trinidad bilang Inspector General ng Philippine Navy.

Tiniyak din niya ang tuloy-tuloy na pagtutok sa mga isyu sa WPS, kabilang ang kamakailang inilabas ng AFP na resulta ng pagsusuri sa mga narecover na yellow bottles mula sa mga bangka ng Chinese fishermen.

Ayon kay Trinidad, bagaman hindi ito tinatanggap ng China, may sapat na ebidensiya ang Philippine government na sumusuporta sa mga claim nito—patunay na lahat ng sinasabi ng Pilipinas ay nakabatay sa katotohanan.