Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi isang inosenteng sibilyan ang isang University of the Philippines (UP) student leader na nasawi sa engkwentro sa Negros Occidental noong Abril 19, kung saan 19 na hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay.
Ayon kay AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr., si Alyssa Alano, na isang UP Diliman student council education and research councilor, ay natagpuang armado at nakasuot ng combat gear sa gitna ng bakbakan sa Toboso town sa pagitan ng Philippine Army at mga sinasabing kasapi ng NPA.
“Are they saying she was an innocent student? No,” ani Brawner, at iginiit na may dalang armas at nakikipaglaban umano ito sa tropa ng gobyerno.

Nag-ugat ang engkwentro sa Barangay Salamanca, kung saan ayon sa militar ay tumagal ng ilang oras ang sagupaan bago umatras ang mga rebelde.
Narekober umano ng mga sundalo ang mga bangkay, high-powered firearms, at mga dokumentong inilarawan bilang ”subversive”
May lima ring hinihinalang rebelde ang naaresto sa follow-up operations.
Liban dito kinumpara rin ni Brawner ang kaso sa isang insidente sa Occidental Mindoro, kung saan isang Filipino-American activist ang nasagip nang buhay matapos hindi umano lumaban sa mga sundalo at kalaunan ay ibinalik sa kanyang pamilya.
Muling iginiit ng AFP na sumusunod sila sa karapatang pantao at gumagamit lamang ng puwersa kapag kinakailangan sa gitna ng mga armadong grupo.
“Our soldiers are not human rights violators. In fact, we respect human rights. But once you start fighting and firing against government forces, you are a combatant and you can become a casualty,” ayon sa pahayag.











