-- Advertisements --

Kinumpirma ng University of the Philippines Open University (UPOU) na isa pa nilang estudyante ang kabilang umano sa mga nasawi sa sinasabing engkuwentro ng militar at mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Toboso, Negros Occidental.

Kinilala ang estudyante na si Maureen Keil Santuyo, isang Associate of Arts student, na inilarawan ng unibersidad bilang isang “compassionate youth advocate” na aktibong tumutulong sa mga marginalized agrarian communities.

Sa pahayag ng UPOU, nagpahayag ito ng pag-aalala sa mga pangyayari at nanawagan ng masusing imbestigasyon kaugnay ng insidente.

Dagdag pa nito, mahalagang umiwas sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon at paglalagay ng label sa mga miyembro ng akademikong komunidad nang walang sapat na ebidensya.

Nauna rito, inihayag ng Philippine Army na 19 umano’y miyembro ng NPA ang nasawi sa operasyon ng 79th Infantry Battalion sa Barangay Salamanca noong Abril 19.

Gayunpaman, itinanggi ng Apolinario Gatmaitan Command ng NPA ang ilang bahagi ng ulat, at iginiit na hindi lahat ng nasawi ay mga armadong rebelde, at sinabing may mga sibilyan umanong nadamay, kabilang ang magsasakang si Roel Sabillo at mamamahayag na si RJ Ledesma.

Samantala, kinumpirma rin ng UP Diliman University Student Council (USC) na kabilang sa mga nasawi ang student leader na si Alyssa Alano.

Kaugnay nito tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Romeo Brawner Jr. ang pagiging bukas nito sa anumang imbestigasyon sa nangyaring engkwentro sa Toboso.