-- Advertisements --

Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Romeo Brawner Jr. ang pagiging bukas nito sa anumang imbestigasyon sa nangyaring engkwentro sa Toboso, Negros Occidental.

Ayon kay Brawner, nakahanda ang hukbo na sagutin ang lahat ng mga tanong hinggil sa nangyaring sagupaan na nagresulta sa pagkakasawi ng 19 na indibidwal.

Malinaw aniya ang ebidensiya na armado ang mga nasawing indibidwal noong mangyari ang sagupaan, mahigit isang lingo na ang nakakalipas (April 19).

Nanindigan din ang heneral na hindi nilabag ng Philippine Army ang karapatang pantao ng mga nasawing indibidwal.

Iginiit din ni Brawner na maging ang NPA ay dapat ding maimbestigahan dahil sa serye ng pagpatay na ginagawa nito, lalo na sa mga inosenteng sibilyan.

Kabilang sa mga nasawi sa naturang giyera ay ang student councilor ng University of the Philippines (UP) na si Alysa Allano, US citizen na sina Lyle Prijoles at Kai Dana-Rene Sorem, atbpa.

Una nang sinabi ng Commission on Human Rights na magsasagawa ang ito ng malalimang imbestigasyon hinggil sa naturang sagupaan.