Tiniyak ni Senate President Vicente Tito Sotto III ang paghahanda ng Senado para sa posibleng pag-upo nito bilang impeachment court, sakaling maiakyat na ng Kamara ang mga reklamong naglalayong patalsikin si Vice President Sara Duterte.
Kinumpirma nitong Lunes ni Sotto, na siyang inaasahang magiging presiding officer ng paglilitis, na inanyayahan niya sa isang hapunan ang ilang mambabatas mula sa majority bloc ng Senado upang talakayin ang posibleng pagtanggap ng mga Articles of Impeachment.
Nilinaw naman ni Sotto na hindi isang opisyal na pulong o caucus ng Senado ang naganap.
Iginiit din niyang mananatiling patas ang kapulungan sa oras ng paglilitis at tiniyak na sila ay mananatiling partial at kanilang hihintayin kung ano ang iprepresenta sa kanila.
Upang matiyak ang kahandaan, ibinahagi ni Sotto na sumasailalim siya sa isang crash program patungkol sa Rules of Court upang iakma ito sa sariling panuntunan ng Senado.
Simula pa noong Pebrero, tumatanggap na siya ng briefing mula sa mga abogado ng Court of Appeals at Court of Tax Appeals.
Alinsunod ito sa Article XI Section 3(4) ng 1987 Constitution, kung saan nangako si Sotto na aaksyon nang forthwith o agaran oras na matanggap nila ang pormal na reklamo mula sa Kamara.
Matatandaang noong nakaraang buwan pa sinimulan ng House Committee on Justice ang pagdinig sa impeachment complaints laban kay Duterte matapos makitaan ng komite na ang mga ito ay sapat sa form, substance, and grounds.
Sa kabilang banda, patuloy ang paninindigan ng Bise Presidente na dapat ibasura ang mga inihahaing reklamo laban sa kanya dahil sa lack of evidence.
















