-- Advertisements --

Malugod na tinanggap umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paghingi ng tawad sa kanya ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano makaraang sabihin nitong nagkamali siya ng pagkakaintindi na dapat sa kanyang termino maipasa ang proposed 2021 national budget.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, sa kanilang meeting kahapon kasama si bagong Speaker Lord Allan Velasco, mistula umanong tatay si Pangulong Duterte kaya tinanggap nito ang apology si Cayetano.

Ayon kay Sec. Roque, wala ng kaso pa kay Pangulong Duterte ang nangyari kung saan naipit ang 2021 proposed national budget dahil sa naging girian nina Velasco at Cayetano sa speakership.

Kasabay nito, kinilala umano ni Pangulong Duterte ang kooperasyon ng dalawang partido at nagagalak dahil nakatutok na ang Kongreso sa national budget lalo pa’t ito ang kanyang panawagan sa simula pa lamang.

Malaking bagay umano na may isang malakas at malaking majority party sa Kongreso na sumusuporta sa administrasyon.

Hindi naman nababahala ang Malacañang sa pagbawi ng Kamara sa naunang pagpasa sa second reading ng 2021 national budget at binuksan uli ang deliberasyon dito.

Inihayag ni Sec. Roque na basta pasok pa rin ang diskusyon sa special session na ipinatawag ni Pangulong Duterte ay wala naman silang nakikitang negatibong epekto nito sa budget.

Kumpiyansa din umano ang Malacañang na dahil sa supermajority sa Kamara, wala nang magiging pamumulikita at wala na ring problema at mga hadlang sa pagpasa sa national budget kung saan nakapaloob ang pondo para sa pagtugon at pagbangon mula sa COVID-19 pandemic.