-- Advertisements --

Nakatakda na raw umpisahan ng Commission on Elections (Comelec) bukas ang pag-imprenta ng official ballots para sa isasagawang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) electins sa buwan ng Disyembre.

Ayon kay Comelec chairperson George Garcia, ang isang buwang schedule para sa printing job ay dapat na raw matapos sa October 20 kahit nakabinbin pa ang desisyon sa pagpapaliban ng halalan sa susunod na taon.

Maging ang pagbili daw ng mga kagamitan para sa halalan ay unti-unti na nilang naibibigay ang award at kapag ito ay nai-deliver na ay isa-isa na rin itong babayaran.

Una rito, sinabi ni Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco na ang mga suplay na gagamitin sa halalan sa Disyembre ay hindi naman daw masasayang kahit na ipagpaliban pa ang halalan.

Paliwanag ng opisyal na puwede namang pansamtalang itago ng poll body ang mga materials at printed ballots at gamitin na lamang kapag tuloy na ang halalan.

Kung maalala, mayroong Senate bill na naglalayong ipagpaliban ang barangay at SK elections sa ikalawang Lunes sa buwan ng Disyembre sa susunod na taon.

Sa panig naman ng House of Representatives, aprubado na sa ikalawang pagbasa ang counterpart measure ng layong ipagpaliban ang halalan ng isang taon.