-- Advertisements --

army6thID1

Paghihiganti ang nakikitang motibo sa ginawang pag-atake at panununog ng BIFF sa PNP patrol car sa Datu Piang, Maguindanao kagabi.


Ito ang kinumpirma ni Philippine Army Chief Lt Gen. Cirilito Sobejana, sa panayam ng Bombo Radyo, batay sa ginawa nitong inisyal na pag-iimbestiga sa ground.
Siniguro ni Sobejana na “on top of the situation” ang pamunuan ng 6th Infantry Division sa lugar.


Habang pinalakas pa ang hot pursuit operations ng PNP at AFP laban sa grupo ni Commander Motorola ng BIFF na siyang tinukoy na nasa likod ng panununog ng patrol car.

Ayon kay Sobejana, nais ipaghiganti ng grupo ni Commander Motorola ang mga pulis matapos arestuhin ng mga ito ang ilan sa kanilang mga kasamahan na sangkot sa illegal drug trade.

Sa inisyal na imbestigasyon, personal na galit ang motibo sa insidente, subalit kilala din si Commander Motorola sa paglulunsad ng pag-atake sa mga detachment ng militar at ng PNP sa nasabing probinsiya.

Pinawi naman ng heneral ang pangamba ng mga residente na ang insidente kagabi sa Datu Piang ay posibleng maging kahalintulad sa nangyari sa Marawi siege.

Paglilinaw ni Sobejana, ang pangyayari kagabi ay malayong-malayo sa Marawi at hindi ito pwedeng ikumpara sa nangyaring pananakop sa nasabing siyudad.

” Unang-una very brief lang yung attack nila, ang police yung naging target nila dahil nakita na hindi maganda ata yung location ng istasyon, but our military particularly the army immediately responded nagkaroon ng firefight and then after nag withdraw yung BIFF and now we are pursuing them,” pahayag ni Lt. Gen. Sobejana.

Binigyang-diin din ng heneral na hindi nila ibinababa ang kanilang defense posture dahil consistent ang natanggap nilang intelligence information hinggil sa tangkang pag atake ng teroristang grupo.

” Kaya nanduon na yung tropa natin naka preposition na yung tropa natin kaya nakapag responde kaagad kaya kung makikita mo napaka bilis at yun nga lang ang isang patrol car na medyo nahiwalay yun yung napagtuunan nila ng pansin at yun yung sinunog nila just to send a message na malakas pa rin sila, pero kung talagang malakas sila they should have stayed and hold the line,” wika ni Sobejana.

Pagtiyak ng heneral kontrolado ng militar ang sitwasyon ngayon sa lugar at naka-alerto ang mga sundalo at pulis sa bayan ng Datu Piang.

May mga sundalo din ang naka pokus para tugisin ang grupo ni BIFF Commander Motorola.

Apela naman ni Sobejana sa publiko na huwag matakot sa mga terorista, bagkus makipag tulungan sa mga otoridad at agad ipagbigay alam kung may mga armadong grupo ang aaligid sa kanilang mga lugar.

” Huwag silang dapat matakot! Ang dapat nilang gawin ay kung may mamonitor sila na mga armadong grupo agad ireport sa military at police para magkaroon ng proactive actions while we intensifying our intelligence effort, we still need the support of the locals,” dagdag pa ni Sobejana.