Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tuloy-tuloy ang kanilang isinasagawang crackdown laban sa mga nagmamay-ari ng mga sari-sari stores na hindi otorisadong magbenta ng gamot at pekeng mga gamot na ipinagbabawal ng batas.
Una rito, inatasan ni DILG Secretary Eduardo Año ang PNP na arestuhin ang mga lumalabag sa batas at pagmumultahin ang mga ito.
Kasabay nito, hinimok din ni Año ang local government units (LGUs) na mag-isyu ng ordinansa kaugnay ng naturang isyu.
Binigyang diin ng kalihim na dapat ay manguna ang LGUs sa pagprotekta sa kalusugan at kapakanan ng kanilang constituents.
Kaya naman, kailangan daw siguruhin ng mga LGUs na ang mga sari-sari stores sa kanilang nasasakupan ay hindi nagbebenta ng pekeng gamot.
Una rito, iniulat ni Food and Drug Administration (FDA) officer in charge director general Oscar Gutierrez Jr. na mayroong 185 sari-sari stores sa National Capital Region, Region IV-A at Region V ang nagbebenta raw ng gamot kabilang na ang covid related drugs.
Sa ngayon, patuloy na rin umanong nakikipag-ugnatan si Año sa FDA ay mag-iisyu daw ito ng memorandum circular sa mga LGUs para mahinto na ang pagbebenta ng mga sari-sari stores at iba pang outlets na hindi otorisado ng FDA.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ni DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya ang publiko na sa mga drug stores at pharmacies lamang bumili ng gamot dahil sila ang otorisadong magbenta ng gamot.
Sa ilalim ng Section 30 ng Republic Act No. 10918 o mas kilalang Philippine Pharmacy Act, ang FDA-licensed retail drug outlets o pharmacies lamang ang pinapayagang magbenta ng gamot sa publiko.