Nagpahayag ng suporta ang Young Guns ng Kamara de Representantes sa itinutulak na reporma ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez para maging transparent at people-focused ang panukalang ₱6.793-trilyong 2026 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kongreso.
Sinabi nina Deputy Speaker Francisco “Paolo” Ortega V, Deputy Speaker Jefferson “Jay” Khonghun, Deputy Majority Leader Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez, Deputy Majority Leader Ernesto “Ernix” Dionisio Jr., Deputy Majority Leader Zia Alonto Adiong, at Committee Chairman Lordan Suan na ang Budget Message ng Pangulo para sa 2026 ay naglalatag ng malinaw at kapani-paniwalang roadmap para sa Bagong Pilipinas isang bansa kung saan bawat pamilya ay maaaring umasa sa magkakaugnay na komunidad, abot-kayang pagkain, accessible na edukasyon, dekalidad na serbisyong pangkalusugan, at ligtas na mga pamayanan.
Binigyang-diin ng Young Guns na ang mga prayoridad sa budget ng Pangulo sa edukasyon, kalusugan, seguridad sa pagkain, trabaho, imprastruktura, kapayapaan, at katatagan—ay ang pang-araw-araw na pangangailangan sa kanilang mga Pilipino.
Tinitingnan ng mga mambabatas ang mga ito bilang mga pangakong dapat pangalagaan sa pamamagitan ng mga repormang ipinatutupad ni Speaker Romualdez sa proseso ng pagbuo ng budget.
Binigyang-diin ni Deputy Majority Leader Gutierrez na lalapitan ng grupo ang mga deliberasyon na may “on-the-ground lens” na hinubog ng kanilang trabaho sa iba’t ibang komunidad.
Nangako ang Young Guns na susuriin ang bawat pahina ng NEP.