-- Advertisements --

Maaaring magpahina sa hiling na Temporary Restraining Order (TRO) ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa Korte Suprema ang kaniyang pag-alis sa kustodiya ng Senado.

Ayon sa election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal, lumikha ng isang “supervening event” ang naging hakbang ni Dela Rosa. Maaari itong magresulta sa pagiging “moot and academic” o kawalan ng saysay ng kaniyang petisyon.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Macalintal na nakaangkla ang hiling na TRO sa banta ng pag-aresto kay Dela Rosa habang nasa loob ng protective custody ng Senado. Subalit, ngayong wala na siya rito, maaari nang ikatwiran na wala nang “imminent danger” o agarang panganib, na siyang pangunahing basehan para magawaran ng TRO.

Sakali mang ituloy ng senador ang paghingi ng TRO habang nasa labas ng Senado, kailangan niyang repasuhin ang kaniyang petisyon. Obligasyon din ng kaniyang kampo na ipaalam sa korte ang mga pinakahuling development sa kaso.

Babala ni Macalintal, ang kabiguang mag-disclose ng mga bagong impormasyon ay maaaring magbunsod sa gobyerno sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) na hilingin sa korte na obligahin ang senador na ibunyag ang kaniyang kinaroroonan, o kaya ay magpakita nang personal upang patunayan ang kaniyang mosyon.

Matatandaan, noong Lunes nang isailalim sa protective custody si Dela Rosa matapos unang tangkahin ng mga tauhan ng NBI na arestuhin sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay sa war on drugs.

Sa parehong araw, humiling ang kampo ng senador sa Kataas-taasang hukuman ng TRO para pigilan ang anumang pag-aresto sa kaniya may kaugnayan sa ICC warrant.

Subalit, noong Miyerkules, hindi naglabas ng TRO ang Korte at sa halip ipinag-utos ang pagkomento ng mga opisyal sa kaniyang petisyon sa loob ng tatlong araw.

Sa sumunod na araw, kasunod ng naganap na shooting incident sa Senado, nakumpirmang nakaalis na ng Senado si Dela Rosa, dahilan kayat wala na rin ang senador sa protective custody ng Senado.

Nauna nang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na hindi nila inaresto si Dela Rosa dahil iginagalang nila ang pagsasailalim sa kaniya sa protective custody habang gumagawa ng legal remedies sa kaniyang kinakaharap na arrest warrant mula sa ICC.