ROXAS CITY – Apektado na ang supply ng kuryente, gas, tubig at pagkain sa ilang lugar sa Tagaytay City sa gitna ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Ito ang inihayag ni Sangguniang Kabataan Federation President Lois Andrea Palo ng Sungay West, Tagaytay City, nang mainterview ng Bombo Radyo Roxas.
Ayon kay Palo, pahirapan sa ngayon ang mga residente kung saan sila kukuha ng kanilang pagkain dahil halos sarado na ang mga mall, grocery stores at iba pang commercial establishment dahil sa patuloy na pag-ulan ng putik sa kanilang lugar.
Maging ang ilan pang kalapit na lugar sa lalawigan ng Cavite katulad ng General Trias, Carmona, Silang at Bacoor ay apektado na rin.
Inihayag pa ni Palo na sunod-sunod na pagyanig ang kanilang naramdaman at walang tigil na pag-ulan ng mga bato ang nararanasan sa kanilang lugar.
Dahil dito, hinimok ng mga Local Government Units sa Tagaytay City ang “total evacuation” sa Isla ng Taal Volcano at sa iba pang high-risk areas.
Dagdag pa nito na mas pinili na lamang ng mga residente na pansamantalang manatili sa mga evacuation centers para maiwasan ang mga panganib dulot ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Samantala, mas minabuti ng mga residente na iwan sa loob ng kani-kanilang bahay ang mga alagang hayop.