Iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila ngayong Lunes ng umaga bunsod ng pananalasa ng Bagyong Uwan.
Sa inilabas na flood alert ng MMDA, kabilang sa mga binahang lugar ang lungsod ng Navotas.
Ayon sa ulat na isinapubliko bandang 7:55 ng umaga, ang mga sumusunod na kalsada ay apektado:
Sa sangandaan ng C4 at M. Naval Street, ang baha ay umabot sa lagpas ng bangketa ngunit maaari pa ring daanan ng lahat ng uri ng sasakyan.
Sa kahabaan naman ng M. Naval patungong Navotas City Hall, ang baha ay umabot na sa taas ng tuhod at hindi na madaanan ng mga maliliit na sasakyan.
Patuloy na pinaaalalahanan ng MMDA ang mga motorista na mag-ingat at umiwas sa mga binahang lansangan upang maiwasan ang abala at disgrasya.
















