Inamin ngayon ni Top Rank Promotions CEO Bob Arum na “dead” na o hindi na matutuloy ang next fight ni Sen. Manny Pacquiao kontra kay Amir Khan sa United Arab Emirates (UAE).

Ito ang kinumpirma ngayon ni Arum sa Los Angeles Times, sa pagsasabing hanggang ngayon daw kasi ay wala pang maipakitang pera ang sinasabing mga investors mula sa UAE na siyang magpopondo sana ng $38 million.

Una nang itinakda ang nasabing laban sa April 22 o kaya sa buwan ng Mayo.

Sinabi ni Arum, mali raw kasi ang mga personalidad na kinausap ni Pacquiao at adviser nito na si Michael Koncz sa UAE.

Aminado rin ito na noong una pa man ay duda na siya sa sinasabing nakakalulang halaga na umano’y alok sa Pacquiao-Khan.

Kung maaalala rin dumating pa sa punto na nagpa-survey si Manny sa kanyang social media account na Twitter at lumabas doon sa botohan ng mga fans na si Khan ang nais nilang sunod na makalaban ng Pinoy ring icon.

Dahil sa pangyayaring ito, may panibago umanong panukala si Arum na gawin na lamang ang sunod na laban ni Pacman sa Hunyo o kaya buwan ng Hulyo.

Babalik aniya si Koncz sa Pilipinas kung papayag ba si Pacquiao sa panibagong panukala sa kanyang laban.

Kung maaalala noong una pa man ang iginigiit ni Arum ay labanan ni Manny ang Australian star na si Jeff Horn na wala pang talo.

Sinasabing lumakas naman ngayon ang loob ng kampo ni Horn na ito pa rin ang pipiliin ng eight division world champion sa huli para sa inaambisyong big time fight.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here