Ipinagmalaki ng kampo ni Pinoy superstar Sen. Manny Pacquiao na hindi na raw nito kailangan pa ng mahabang oras upang magpalakas bago bumalik sa ibabaw ng boxing ring.

Reaksyon ito ng Pacquiao camp kaugnay ng pahayag ni Top Rank big boss Bob Arum na niluluto na nito ang posibilidad ng bakbakan sa pagitan ng Fighting Senator at ni WBO welterweight champion Terence Crawford.

Ayon sa head trainer ni Pacquiao na si Coach Buboy Fernandez, sa oras na makatanggap na sila ng kongkretong petsa, handa na rin daw ang kanyang alaga na sumabak sa laban.

Paglalahad pa ni Fernandez, tuloy tuloy naman daw kasi ang light training ni Pacquiao, at hindi rin daw problema ang pagpapatibay sa kanyang stamina sa oras na ilabas na ang schedule.

Sinabi ni Fernandez na nasa kanila pa rin ang pasya sa kung sino ang susunod na kakaharapin ni Pacquiao.

Hinihintay din aniya nila sa ngayon kung may mabubuong kasunduan sa pagitan ng magkabilang panig.