Pursigido ang dating world champion na si Amir Khan na tapusin ang kanyang boxing career sa pamamagitan ng showdown laban kay Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao, o sa kanyang kababayang si Kell Brook.

Ayon kay Khan, batid daw nito na may isa o dalawang laban na lamang na nalalabi sa kanyang karera, kaya motivated ito na humarap sa isang dekalibreng katunggali.

“The biggest fights motivate me. When you’ve made so much money and won world titles, what’s going to motivate you?” wika ni Khan.

“A Manny Pacquiao fight is huge, wherever it was, then you have Kell Brook, another massive fight in the UK.”

Gayunman, inihayag ni Khan na hihintayin muna nilang matapos ang coronavirus pandemic bago ito magbigay ng petsa.

“I want to fight – we just don’t know how long the coronavirus is going to last,” ani Khan.

Hulyo ng nakalipas na taon nang nagtala ng fourth-round victory ang 33-anyos na si Khan kontra kay Billy Dib sa Saudi Arabia.

Nagwagi ng isang Olympic silver medal si Khan sa edad na 17-anyos, at ibinulsa ang dalawang light-welterweight title bilang professional boxer.