Umapela si Senador Bam Aquino na gamitin ang Philippine Competition Act (PCA) upang magsampa ng kaso laban sa mga kontratistang sangkot sa maanomalyang flood control projects, partikular sa pamamagitan ng bid-rigging cases, bilang paraan para mapanagot sila at mabawi ang bilyun-bilyong pisong nawaldas mula sa kaban ng bayan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, iginiit ni Aquino na ang bid rigging ay may katapat na parusang mula P100 milyon hanggang P250 milyon bawat paglabag sa ilalim ng PCA.
to ay matapos kumpirmahin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na nagkaroon nga ng naturang iligal na gawain.
Ayon pa kay Dizon, posibleng umabot sa trilyong piso ang napunta sa mga ghost at substandard flood control projects.
Dagdag pa niya, hindi sapat na makulong lamang ang mga responsable, kailangang maibalik din sa taumbayan ang kanilang pera.
Ipinaliwanag din ng senador na may kapangyarihan ang Philippine Competition Commission (PCC) na magsagawa ng motu proprio investigation.
Sa ilalim nito, sapat ang substantial evidence upang pagmultahin ng hanggang P250 milyon kada kaso ang mga contractor na nakiisa sa bid manipulation.
Nilinaw rin ni Aquino na ang mga kaso sa PCC ay hiwalay pa sa mga kriminal at administratibong kaso na maaaring isampa laban sa mga tiwaling contractor.