-- Advertisements --

Itinuturing ni Supreme Court (SC) Associate Justice Ramon Paul Hernando na unconstitutional ang paglalagay ng unprogrammed appropriations sa 2024 General Appropriations Act (GAA).

Sa kanyang concurring opinion ukol sa desisyon ng SC hinggil sa paglipat ng P60 billion pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), sinabi ni Hernando, walang sapat na ”constitutional basis” ang ginawang paglilipat ng pondo ng ahensya at nagbibigay lang ng panganib sa pondo ng gobyerno tulad ng korapsyon.

Binanggit din ni Hernando na ang mga pondo na hindi sakop ng GAA ay tanging Congress lamang ang may kapangyarihang magtakda kung paano ito gagamitin, sa pamamagitan ng special appropriations law.

Magugunita na una nang iniutos ng mataas na hukuman na ibalik ang P60 billion pondo ng PhilHealth funds na nailipat sa National Treasury at ipinatigil din ang paglilipat pa ng natitirang P29.9 billion pondo ng ahensya.

Bukod dito tinanggal din ng Korte ang Special Provision 1(d) ng 2024 GAA at ang DOF Circular No. 003-2024 na nagbibigay awtoridad sa pagkuha ng pondo mula sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) para sa unprogrammed appropriations.

Inilarawan ng SC na ang probisyon tungkol sa unprogrammed appropriations sa 2024 GAA ay ”ambiguous” dahil sa paggamit ng terminong “fund balance” na hindi malinaw ang kahulugan sa nasabing batas.

Ayon sa Korte, ang terminong ito ay nagdulot ng kalituhan at hindi tumugma sa layunin ng GAA na magbigay ng tapat at malinaw na impormasyon tungkol sa mga pondo ng gobyerno.

Tinukoy pa ng SC na ang probisyon at ang DOF Circular No. 003-2024 ay null and void dahil epektibo nilang pinawalang-bisa ang Section 11 ng Universal Health Care Act (UHCA) at ilang mga probisyon ng Sin Tax Laws.

Ayon kasi sa Section 11 ng UHCA, inaatasan ang PhilHealth na kailangan nilang mapanatili ang kanilang reserved funds na may ceiling equivalent na katumbas ng dalawang taon ng projected program expenses, at mahigpit na ipinagbabawal ang anumang paglilipat ng mga reserve funds o kita nito patungo sa National Government.