-- Advertisements --

Umabot na sa P82 billion ang naipapamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 13.7 milyong pamilyang Pilipino na beneficiaries ng social amelioration program (SAP).

Sinabi ni DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, naipamahagi ang pinansyal na ayuda sa pamamagitan ng manual at digital payout.

Ayon kay Usec. Paje, kasama sa mga nabigyan na ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang mga non-4Ps, ang mga wait-listed, mga residente na nasa enhanced community quarantine (ECQ) gayundin ang mga transport network and vehicle service at public utility drivers.

“Ngayon po ay umaabot pa rin sa mga 400,000 na lamang ang mga benepisyaryo na dapat mabigyan o mapaabutan ng ayuda at makakaasa po kayo na kayo po ay makakatanggap ng ayuda na ito dahil ang pondo naman po nito ay nakalaan na at earmarked na po ito para sa inyo,” ani Usec. Paje.

Kasama rin umano sa ikalawang yugto ng SAP ang mga residente sa Bacolod City na ngayon ay nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.

Hindi naman mabibigyan ng ayuda ang mga taga-Iligan City sa Lanao del Norte na ngayon din ay nasa MECQ.

“At bagama’t po nais din natin sanang matulungan iyong Lungsod ng Iligan sa Lanao del Norte ay hindi po sakop kasi ng second tranche iyong lugar na ito,” paliwanag ni Usec. Paje.