Nakatakdang ilunsad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang proyektong “Layag West Phil Sea” project na layong bigyan ng livelihood opportunities ang mga mangingisda na nakatira sa Pagasa Island.
Ayon kay BFAR chief information officer Nazario Briguera, nasa P80 million ang pondo na ilalaan ng ahensiya para sa programang Livelihood Activities to Enhance Fisheries Yield and Economic Gains (LAYAG).
Ang mga beneficiaries ng programa ay ang mga mangingisda mula sa Ilocos region, Central Luzon, at MiMaRoPa partikular ang mga lugar malapit sa West Philippine Sea.
Magugunita na bumiyahe patungong Pagasa Island kamakailan ang BRP Francisco Dagohoy para maghatid ng mga tulong para sa mga kababayan natin duon.
Nasa limang milyon ang halaga ng suportang pangkabuhayan ang ipinamahagi ng ahensiya.
Kabilang sa mga ipinamahagi ay mga fishing-related livelihood tools and equipment, kabilang 30-foot fiberglass boats, blast freezers, at mga fishing paraphernalia.
Mayruon din post-harvest equipment, upang matiyak na ma preserve ang mga huling isda at maari din sila mag-engage sa food processing activities.
Binigyang-diin ni Briguera, ang kanilang mga hakbang ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa ating mga kababayan.