Nakatakdang maghain ng apela ang legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa inilabas na confirmation of charges ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I, habang mariin namang pinabulaanan ng Malacañang ang paratang na may sabwatan laban sa dating punong ehekutibo.
Inihayag ni Atty. Nicholas Kaufman, abogado ni Duterte, na hihingi sila ng leave to appeal laban sa desisyon ng ICC, na inilarawan nitong mistulang kumikiling sa prosekusyon at binalewala ang karapatan ng dating pangulo sa isang “fair trial.”
Samantala, inakusahan naman ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na pre-judged na ang kaso at iginiit na may kinalaman ang kasalukuyang administrasyon.
Agad namang rumesbak ang Palasyo sa pamamagitan ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.
Nilinaw niyang taong 2017 pa isinampa ang mga kaso laban kay Duterte—matagal bago pa man umupo sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang mga kinakaharap na kaso sa ICC ay nag-ugat sa mga patayang naiulat sa ilalim ng kontrobersiyal na war on drugs noong alkalde pa ng Davao City si Duterte hanggang sa naging pangulo ito ng Pilipinas.















