Posibleng maharap sa reklamong administratibo ang isang pulis at driver ng mobile patrol unit matapos ang umano’y paglabag sa traffic regulations, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ayon sa PNP, kinondena nila ang insidente dahil sa umano’y paglabag na nagdulot ng panganib sa kaligtasan sa kalsada at hindi pagsunod sa umiiral na batas trapiko.
Ang kaso ay isinangguni na rin sa Land Transportation Office (LTO), matapos mapansin na ginamit ang isang PNP-marked vehicle upang magdala ng dalawang kahoy na pushcart na lumalampas sa sukat ng sasakyan, at wala umanong plaka ang sasakyan.
Tinawag ng LTO ang dalawang personnel para magpaliwanag sa pamamagitan ng show cause order, habang tiniyak ng PNP na makikipagtulungan ito sa imbestigasyon.
Bagama’t hindi pinangalanan ang mga sangkot, iginiit ng PNP na sisiguraduhin nilang mananagot ang sinumang lalabag sa mga patakaran, at binigyang-diin na lahat ng kanilang personnel ay inaasahang magpakita ng mataas na antas ng disiplina at propesyonalismo.
















