Muling kinuwestyon ni Senator Rodante Marcoleta ang pamumuno ng kapwa senador na si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson sa Blue Ribbon Committee hinggil sa imbestigasyon ng flood control scam, partikular na ang mga umano’y kondisyon ni Lacson bilang chairman ng komite bago ipagpatuloy ang pagdinig.
Ayon kay Marcoleta, pinahihirapan umano ni Lacson ang proseso ng imbestigasyon ng Senado. Aniya, hindi dapat gawing handlang ang kakulangan ng lagda ng mga senador sa partial committee report upang maipagpatuloy ang pagdinig at mailabas ang resulta ng imbestigasyon.
Binigyang-diin niya na mandato ng komite na tukuyin ang mga responsable sa pagwaldas ng pondo ng bayan, ngunit tila ibang direksyon aniya ang tinatahak ni Lacson na tinawag niyang taliwas sa palaging iginiit ng kapwa senador na pagsunod sa itinuturo ng ebidensya.
Ipinupunto ni Marcoleta ang umano’y kakulangan ni Lacson bilang chairman ng komite na ipatawag ang mga personalidad na itinuturo ng mga testigo sa mga naunang pagdinig.
Matatandaan na matagal nang idinidiin ni Marcoleta na ipatawag si dating Speaker Martin Romualdez matapos itong ituro ni Orly Guteza sa pagdinig ng komite at ng dating kongresista na si Zaldy Co sa mga serye ng videos na inilbas nito sa internet.
Kasunod nitpo, binigyang-diin ni Marcoleta na mahalagang maipagpatuloy ang pagdinig lalo na kung maibabalik sa bansa si Co, na aniya’y maaring maging mahalagang bahagi ng pagbuo ng kabuuang larawan sa kaso.
Muli rin iginiit ng senador ang pagpapatawag kay Romualdez, lalo pa’t naniniwala umano siyang may malaking implikasyon ang mag naging pahayag ng dating speaker na hindi umano siya ang mastermind sa isyu ng flood control scam.
Sinabi ni Marcoleta na kung itinatanggi ni Romualdez na siya ang mastermind, maaaring nangangahulugan umano ito na may alam ang dating speaker kung sino ang nasa likod ng umano’y anomalya.
Dagdag pa ng mambabatas hindi rin aniya tuluyang inaalis ng naturang pahayag ang posibilidad ng pagkakasangkot ni Romualdez sa kontrobersiya, kundi nililinaw lamang na hindi siya ang pangunahing utak ng operasyon.
Samantala, pinasinunghalingan naman ni Lacson ang mga pahayag ni Marcoleta, at sinabing dalawang beses aniya nagpadala ang komite ng imbetasyon kay Romualdez na pinadaan sa opisina ng House Speaker alinsunod sa umiiral na inter-parliamentary courtesy. Ngunit hindi sumisipot si Romualdez sa mga pagdinig.
Sa huli, sinabi ni Marcoleta pipirma lamang siya sa partial committee report kapag napatawag ang lahat ng kailangan imbesitagahan at naging maganda ang resulta nito sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
















