-- Advertisements --

Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng mahigit P709 milyong halaga ng tulong at interbensyon para sa mga magsasaka na naapektuhan ng pananalasa ng supertyphoon Karding.

Sa ngayon, nasa P2.95 bilyon na ang pinsala sa agrikultura na dulot ni “Karding” basi sa pinakahuling datos ng kagawaran.

Idinagdag pa ng ahensya na ang Quick Response Fund nito na nagkakahalaga ng P500 milyon ay maaaring gamitin para sa agarang pagkukumpuni o rehabilitasyon ng mga nasirang pasilidad ng produksyon.

Ayon sa agriculture department, nakahanda rin itong ipamahagi ang mga buto ng palay, buto ng mais, at binhi ng gulay.

Magbibigay din ang ahensiya ng farm animals, drugs, at biologics na nagkakahalaga ng P2.45 milyon sa pamamagitan ng livestock at poultry programs nito, gayundin ng fingerlings at fishing equipment mula sa DA-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Nauna ng sinabi ng kagawaran ng agrikultura na ang mga mobile KADIWA center ay inilulunsad sa mga apektadong lugar upang patatagin ang pagpepresyo at mga supply ng mga kalakal ng agri-fishery.

Magugunitang, sinabi ni Agriculture Usec. Domingo Panganiban na maaaring tumaas ng 15 hanggang 20 porsiyento ang presyo ng bigas at gulay sa mga susunod na araw dahil sa pinsala sa agrikultura sa bansa.