-- Advertisements --

Aabot na sa P7.3 million halaga ng family food packs ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektado nang pananalasa ng Bagyong Odette.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na bukod sa mga family food packs mayroon ding P1.1 million halaga ng sleeping kits at beds na ipinamamahagi ang kanilang kagawaran.

Sa tulong ng Philippine Army at private shipping company ay naipahatid na ng DSWD ang mga family food packs sa mga probinsya ng Dinagat Islands at Siargao.

Bukod sa mga relief supplies na nanggagaling sa kanilang central office, sinabi ni Dumlao na mayroon ding mga stockpiles ang iba’t ibang opisina ng DSWD sa rehiyon.

Sa katunayan, ang kanilang opisina sa Region 9 at Region 12 ay nakapaghatid na rin ng augmentation sa mga field offices sa Caraga region.

Sa ngayon, patuloy aniyang namamahagi ang kagawaran ng mga family food packs sa mga apektadong residente sa Eastern at Western Visayas.