Inusisa ni Deputy Speaker Janette Garin ng Iloilo ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II tungkol sa kinita ng mga pagmamay-ari nitong construction firms, na mula sa halos wala bago ang 2016 ay umabot ng bilyon-bilyong piso sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ang mag-asawang Discaya, may-ari ng St. Timothy Construction at iba pang kumpanya na nasasangkot sa mga kuwestyunableng proyekto ng Department of Public Works and Highways, ay nasa sentro ng imbestigasyon ng House Infra Committee.
Sinabi ni Garin na ang biglaang paglaki ng kita ng mga kompanyang pagmamay-ari ni Discaya at misis nitong si Sarah ay kadudaduda.
Inusisa ni Garin si Curlee kaugnay ng financial statements ng kanilang mga kumpanya na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Ipinapakita sa dokumento na ang mga kumpanya na konektado sa Discaya ay nag-ulat ng zero na kita noong 2014 at 2015, at P99.25 milyon lamang noong 2016.
Noong 2017, tumaas ang kita nito sa P1.034 bilyon, o 942 percent na pagtaas kumpara sa nakaraang taon.
Noong 2018, bigla pang tumaas ang kita sa P12.05 bilyon, o 1,065 percent na pagtaas, bago umabot sa P13.55 bilyon noong 2019.
Ipinunto ni Garin na patuloy ang pagdami ng bilyong kita ng mga Discayakahit sa panahon ng COVID-19 pandemic, kung kailan hirap na hirap ang mga ordinaryong Pilipino.
Binigyang-diin niya na ang mga kumpanya ay nag-report ng P16.07 bilyon noong 2021, P20.52 bilyon noong 2022, at P18.62 bilyon noong 2023, lahat mula sa mga proyektong gobyerno.
Sinabi ni Garin na ang imbestigasyon ay hindi lang para ilantad ang nakaraang pang-aabuso kundi para rin pigilan ang ganitong gawain sa kasalukuyang pamahalaan.
Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, lead chair ng Infra Comm, na dapat sagutin ng mag-asawa ang tatlong malinaw na butas sa kanilang testimonya sa Senado, ang kawalan ng ledger ng political payoffs bago 2022, na walang senador na umano’y sangkot, at sinasabing maliit lamang ang kita nito na taliwas sa kanilang marangyang pamumuhay.