CEBU CITY – Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang food delivery rider matapos masamsam ang P6.8M halaga ng droga sa isinagawang operasyon ng mga sakop ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 7 (PDEA-7) at Abellana Police station sa Brgy. Sambag 1 sa lungsod ng Cebu.
Kinilala ang suspek na si Baltazar Eranes Jr., 40-anyos at residente ng Brgy. Ermita sa naturang lungsod.
Nakumpiska mula kay Eranes ang isang vacuum-sealed transparent plastic na naglalaman ng humigit-kumulang 1,000 gramo ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng aabot sa P6.8 million.
Samantala, inihayag naman ni PDEA-7 Director Levi Ortiz na posible umanong malaking grupo ang nasa likod nito base sa pagbalot ng nasabing druga.
Mas hihigpitan pa umano nila ngayon ang kanilang pagbabantay lalo na’t may nakalusot ng isang food delivery rider na kabilang sa mga essentials at madali lang para sa mga ito na makadaan sa mga border checkpoints.