-- Advertisements --

Inaprubahan na ng House Defeat COVID-19 Ad Hoc committee ang P568-billion economic stimulus plan para sa kasalukuyang taon kasunod ng epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya ng bansa.

Sa ilalim ng Philppine Economic Stimulus Act (PESA) na inihain nina House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, Marikina Rep. Stella Quimbo, AAMBIS-OWWA party-list Rep. Sharon Garin at 260 iba pang kongresista, P10 billion ang alokasyon para sa malawakang COVID-19 testing ngayong taon at karagdagang P10 billion para naman sa 2021.

Ang payroll expense subsidy na ibibigay sa mga self-employed, free lancers at overseas Filipino workers, pati na rin sa mga kompanya na hindi nagtanggal ng empleyado sa kasagsagan ng COVID-19 crisis, ay paglalaanan ng P110 billion.

Bibigyan naman ng P30 billion na alokasyon ang cash for work program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Para matulungan ang mga mga micro, small and medium enterprises (MSMEs), P50 billion ang inilalaan bilang pautang ng Small Business Corporation (SBCorp) ngayong taon, at karagdagan pang P45 billion para naman sa 2021.

Samantala, ang terest-Free Loan Program ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines’s (DBP) para sa small and medium enterprises (SMEs) at agri-fishery ay paglalaanan naman ng P50 billion.

Nakasaad din sa panukala na P20 billion ngayong taon at karagdagang P20 billion pa para sa 2021 ang pondo para sa pautang ng Philippine Guarantee Corporation.

Aabot naman sa P10 billion ang alokasyon para sa ayuda ng Department of Trade and Industry sa mga MSMEs, P58 billion ayudang inilalaan para sa Department of Tourism, at P66 billion naman para sa pagpapalakas sa para sa agri-fishery.

Nagkakahalaga naman ng P25 billion ngayong taon at karagdagang P25 billion pa sa 2021 ang budget para sa National Development Company (NDC).

Samantala, nakasaad din sa PESA ang P650 billion na pondo para sa enhanced  Build, Build, Build program na gagamitin sa loob ng tatlong taon simula 2021.