Bigong nakapasok ang Filipino pole vaulter na si EJ Obiena sa finals ng 2025 World Athletics Championship sa Tokyo, Japan.
Nakatawid lamang ng 5.55 meters si Obiena at nagtapos sa ika-18 pwesto kapantay nina Matej Ščerba ng Czechia at Oleksandr Onufriyev ng Ukraine.
Kasama ni Obiena sa Group A ang world record holder na si Mondo Duplantis ng Sweden at si Emmanouil Karalis ng Greece.
Nilaktawan ng pambato ng Pilipinas ang panimulang taas na 5.40 meters at nalampasan agad ang 5.55 meters sa unang subok.
Gayunman, hindi niya nakayanan ang dalawang pagtatangka sa 5.70 meters at pinili niyang laktawan ang huling tsansa upang sumubok sa 5.75 meters.
Doon, hindi rin siya nagtagumpay sa unang talon, dahilan upang magkaroon ng tatlong sunod na sablay at tuluyang matanggal sa kompetisyon.
Tanging mga manlalarong nakatawid ng 5.80 meters o kabilang sa top 12 mula sa kabuuang 36 na kalahok sa dalawang qualification groups ang nakapasok sa final round.
Si Obiena ay nakapag-uwi na ng dalawang medalya sa nakalipas na edisyon ng torneo — bronze noong 2022 at silver noong 2023.