LAOAG CITY – Aabot sa mahigit P5.6-bilyon ang kakailanganin ng Department of Education (DepEd) matapos hagupitin ng mga bagyo ang malaking bahagi ng Luzon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag kay June Arvin Gudoy, director ng Public Affairs Service ng DepEd, sinabi nito na ang pondo ay para sa pagpapa-ayos sa mga nasirang paaralan, modules, equipment at iba pang kailangan ng mga estudyante at guro.
Ayon kay Gudoy, sa susunod na linggo ay maisasagawa ang budget deliberation sa Senado para sa kailangang pondo ng DepEd.
Dahil umano sa malaking pinsala na idinulot ng mga bagyong Rolly at Ulysses ay inaasahan na nito na posibleng sa mga susunod na araw ay may matatanggap silang report na nawala o naanod ang mga school record ng mga estudyante.
Isa umano aniya sa mga plano ng DepEd ay mapalitan sa lalong madaling panahon ang mga modules ng mga estudyante para hindi maudlot muli ang pag-aaral ng mga ito.
Samantala, dagdag pa ni Gudoy na binigyan umano ni Sec. Leonor Briones ng kapangyarihan ang mga Regional Directors na magsuspindi ng klase sa kanilang nasasakupang lugar.