NAGA CITY- Mahigit P5.1M halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa mag-asawa sa Brgy. Pamukid, San Fernardo Camarines Sur.

Kinilala ang mga suspek na sina Domingo Bongapat, 40-anyos at asawa nitong si Mylene Bongapat 41-anyos na mga residente ng bayan ng Pasacao.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMSgt. Porfirio Jesus Bragais, sinabi nitong nakumpiska sa mga suspek ang mahigit 15 pirasong plastic ng pinaniniwalaang shabu na nasa 750 gramo.

Ayon kay Bragais, depensa ng mga suspek na nasa ospital ang kanilang anak kaya nagawa nila ang krimen.

Aniya, pinaniniwalaang mula sa Metro Manila ang supplier ng mag-asawang Bongapat.

Nabatid na una na ring nakulong ang suspek dahil sa iligal na aktibidad.

Pinaniniwalaang lumipat lamang ang mga ito sa San Fernando dahil mahigpit itong minomonitor sa Pasacao.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mag-asawa habang nagpapatuloy pa isinasagawang imbestigasyon.