-- Advertisements --

Inaprubahan na ng House Budget Amendments Review Sub-Committee ng House Committee on Appropriations ang realignment o paglipat ng ₱46 bilyon mula sa proposed budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga flood control projects sa 2026, patungo sa dalawang pangunahing social amelioration programs ng pamahalaan.

Ayon sa Budget Amendments Review Subcommittee, sinang-ayunan nila ang mungkahi ni House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan na ilipat ang nasa ₱32.6 bilyon sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at ₱14.82 bilyon sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang realignment ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang bagong pondo ang ilalaan para sa mga flood control projects sa 2026. 

Sa ilalim ng panukalang ₱6.7-trilyong national budget, higit sa ₱250 bilyon ang orihinal na inilaan para sa flood control sa ilalim ng DPWH.

Sa halip, inilipat ang malaking bahagi nito sa mga programang direktang makatutulong sa mga mahihirap at displaced workers.

Ayon kay House minority leader Marcelino Libanan, mas makabubuting ilaan ang pondo sa mga programang agarang makatutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na sa gitna ng krisis sa kabuhayan

Ang AICS program ay nagbibigay ng tulong pinansyal para sa mga indibidwal na nasa emergency situations, gaya ng pagkakasakit, aksidente, o kalamidad. Samantalang ang TUPAD ay emergency employment program para sa mga nawalan ng trabaho o nasa informal sector.