Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations nitong Martes sa Committee level ang panukalang ₱6.793 trilyong national budget para sa taong 2026, matapos ang 37 araw ng deliberasyon sa antas ng komite.
Tinanggap ng komite ang mga amyenda na isinulong ng sub-komite noong Lunes, kung saan ₱255 bilyon mula sa orihinal na alokasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control projects ang inilipat patungo sa mga programa ng Edukasyon, Kalusugan, at Kagalingang Panlipunan.
Ayon kay House Appropriations panel Chair at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing, ngayong taon, ipinatupad ang malawakang reporma sa proseso ng pagbabalangkas ng badyet upang itaguyod ang transparency at maiwasan ang kontrobersyal na “insertions” na naganap noong nakaraang taon.
Dati, ang mga amyenda ay pinoproseso ng isang hindi transparent na “small committee” na binubuo ng piling kongresista.
Kahapon nagpulong ang House Budget Amendments Review Sub-Committee.
Ipinamahagi ang inilipat na pondo sa mga sumusunod na ahensiya:
• ₱26.5 bilyon dagdag sa budget ng Department of Education (DepEd):
• ₱22.5 bilyon para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan
• ₱1.88 bilyon para sa school feeding programs
• ₱29.28 bilyon dagdag sa budget ng Department of Health (DOH):
• ₱26.73 bilyon para sa medical assistance sa mga mahihirap na pasyente
• ₱2.4 bilyon para sa pagtatayo ng mga pampublikong ospital
• ₱60 bilyon ang inilaan sa PhilHealth bilang subsidyo ng gobyerno para sa health insurance ng publiko
• ₱35.91 bilyon dagdag sa Department of Social Welfare and Development (DSWD):
• ₱32.06 bilyon para sa emergency cash aid sa mga mahihirap
• ₱3 bilyon para sa sustainable livelihood programs
• ₱39.36 bilyon dagdag sa Department of Agriculture (DA):
• ₱8.89 bilyon para sa farm-to-market roads
• ₱8.69 bilyon para sa post-harvest facilities
• ₱7 bilyon para sa ₱7,000 cash aid sa mga magsasaka at mangingisda
Ayon kay Suansing, inaasahang maaaprubahan sa ikalawang pagbasa ang panukalang badyet bago matapos ang Setyembre, at maaabot ang ikatlong pagbasa sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre.
May 10 araw ang mga mambabatas upang ipasa ang budget bill bago ang nakatakdang adjournment ng Kongreso sa Oktubre 3, para sa isang buwang recess. Magbabalik sesyon ang Kongreso sa Nobyembre 9.