-- Advertisements --

Dumalo si dating Senate finance committee chairperson senador Grace Poe sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang magpaliwanag kaugnay ng proseso ng pagbuo ng pambansang budget.

Sa harap ng komisyon, itinanggi ni Poe ang pagkakasangkot sa mga tinaguriang “small committee” ng bicameral conference committee kung saan umano naganap ang mga kuwestiyonableng insertions o dagdag sa budget.

Aniya, hindi siya dumalo sa anumang closed-door meeting o maliit na grupo kasama ang mga kinatawan mula sa Kamara. Ipinaliwanag din ni Poe na ang lahat ng amendments ay naaprubahan sa bicameral hearing at isinangguni sa Department of Budget and Management (DBM).

Una nang dumalo kamakailan sa imbestigasyon sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senador Panfilo Lacson, na kapwa nanindigang ilegal ang mga insertion na isinisingit matapos ang bicam hearings.

Patuloy ang imbestigasyon ng ICI sa umano’y iregularidad sa paglalaan ng pondo para sa imprastruktura.