-- Advertisements --

Nangako si Speaker Faustino Dy na sa ilalim ng kaniyang liderato na magpapatupad ng reporma at pananagutan.

Sinabi ni Speaker Dy na hindi tungkulin ng mga mambabatas na protektahan ang isa’t isa, kundi ang sambayanang Pilipino.

Aminado siya sa mga pagkukulang ng Kamara at nanawagan sa publiko na bigyan sila ng pagkakataon na ituwid ang mga maling gawain at linisin ang kanilang hanay.

Aniya, hindi niya ipagtatanggol ang mga may sala at hindi niya sasagipin ang mga tiwali. 

Katuwang ang Independent Commission for Infrastructure, tiniyak niya na magiging bukas at patas ang lahat ng imbestigasyon laban sa katiwalian.

Ipinangako rin ni Speaker Dy na paiigtingin nila ang reporma sa pambansang badyet upang masigurong tutugon ito sa tunay na pangangailangan ng mga Pilipino.

Nanawagan siya sa mga kasamahan sa Kongreso na makipagtulungan upang makapagpasa ng isang malinis at maayos na badyet para sa kapakanan ng bayan.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, tiniyak ni Speaker Dy na makikinig sila sa tinig ng mamamayan at gagawa ng mga hakbang para maging transparent at accountable ang kanilang mga gawain.