Napaaga ang break ng Kamara sa kanilang plenary session matapos na aprubahan nitong hapon ang P4.5-trillion proposed 2021 national budget sa ikalawang pagbasa.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, inaprubahan ang House Bill No. 7727 or the General Appropriations Bill (GAB).
Nangyari ito nang mag-mosyon si Speaker Alan Peter Cayetano kasunod ng kanyang talumpati harap ng mga kapwa kongresista kung saan tinalakay niya ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon sa gitna ng girian sa speakership post.
Paraan din aniya ito para patunayan niya sa kanyang mga kritiko na hindi niya iniipit ang GAB.
Kasabay nang pag-apruba sa panukalang pambansang pondo ay sinuspinde na rin ang sesyon ng Kamara ng hanggang Nobyembre 16.
Dahil dito, bumuo na lamang ang Kamara ng ilang small group committees para tumanggap ng mga amiyendang isusumite ng mga kongresista para sa 2021 budget.
Binibigyan lamang sila ng hanggang Nobyembre 5 para gawin ito.