-- Advertisements --

Nainsulto ang isang kongresista mula sa Mindanao sa pahayag ni Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong na tinawag na “moro-moro” ang imbestigasyon sa mga anti-flood projects.

Ayon kay House Deputy Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong dapat igalang ang Kamara bilang institusyon na mayroong mandato na mag-imbestiga at mangalap ng ebidensya kaugnay ng mga alegasyon.

Ang pagbibitaw umano ng mga “sweeping labels” o patutsada ay nakasisira sa reputasyon ng lahat ng miyembro ng Kongreso kabilang ang mga gumaganap sa kanilang tungkulin ng buong katapatan.

Nagpahayag ng pagdududa si Magalong sa pagsasagawa ng Kongreso ng imbestigasyon hinggil sa umano’y iregularidad sa flood control projects at isinulong ang isang third-party inquiry.

Inakusahan din ng alkalde ang mga mambabatas na umano’y nakatanggap ng malaking kickbacks mula sa mga kontratista.

Dahil dito, si Magalong ay inimbitahan ng binuong House tri-panel upang mailahad under oath ang kanyang testimonya at mailabas ang kanyang mga ebidensya para mapatunayan ang alegasyon na kanyang inilabas sa media.

Bukod naman sa isyu ng proseso, binigyang-diin ni Adiong na ang paggamit ng katagang “moro-moro” ay may dala-dalang mabigat na nakaraan para sa mga Muslim dahil nag-ugat ito sa isang dula noong panahon ng Kastila na nagtutunggali ang “Christians” at “Moros” isang uri ng pagtatanghal na nakaugnay sa kolonyal na stereotype at matagal nang diskriminasyon.

Dagdag pa niya na bagama’t ang termino ay karaniwan nang ginagamit para ilarawan ang isang huwad o pekeng palabas, marami pa ring Muslim ang itinuturing itong insensitibo sa pampublikong diskurso.

Ipinaliwanag din niya na tumataas ang kumpiyansa ng publiko sa anumang imbestigasyon kung ang mga nag-aakusa ay naglalatag ng dokumento at handang hunarap sa mga pagtatanong, dahil may mekanismo ang Kongreso upang tumanggap ng ebidensya, tumawag ng mga saksi, at makipag-ugnayan sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas.

Binibigyang-diin ng mambabatas na ang paggalang sa institusyon ay hindi nangangahulugang pagtatakip sa sinumang may sala. Sa halip, ito ay pagbibigay-daan sa mga kinatawang komite na gawin ang kanilang tungkulin at pagtitiyak na makakumpleto ng salaysay sa ilalim ng panunumpa, habang nakikipagtulungan sa ahensya ng ehekutibo kung may pananagutang kriminal.

Hinikayat din ng lider ng Mindanao House si Magalong na ialatag ang mga dokumento, pangalanan ang dapat pangalanan, at tumulong na makamit ang mga hatol kung kinakailangan.