Naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mahigit P4.1 milyong humanitarian assistance para sa mga pamilyang apektado ng pananalasa ng nagdaang bagyong Crising.
Sa pulong balitaan ngayong Sabado, Hulyo 19, iniulat ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na hinatiran ang mga sinalantang pamilya ng mga inisyal na tulong na binubuo ng family food packs at non-food items.
Base sa datos mula sa ahensiya at Office of the Civil Defense (OCD) kaninang umaga, pumalo na sa mahigit 68,000 pamilya na binubuo ng 215,000 indibidwal ang apektado ng pananalasa ng bagyo sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas at Zamboanga Peninsula.
Sa ngayon, may kabuuang 5,400 indibidwal ang inilikas patungo sa mga evacuation center.
Samantala, ayon kay ASec. Dumlao, patuloy na nakabantay ang kanilang field offices at quick response teams sa sitwasyon sa mga lugar na hinagupit ng bagyo.
Nakadeploy aniya ang mga ito para makipag-tulungan sa mga government units at magbigay ng mga kinakailangang tulong sa mga sinalanta.