LAOAG CITY – Aabot sa tatlong milyong piso ang halaga ng mga kagamitan na tinupok malaking apoy ang isang bodega ng plastic sa Barangay Pias Sur sa bayan ng Currimao, Ilocos Norte.
Ayon kay SFO3 Victorino Pacris, ang officer-in-charge Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection-Currimao, mahigit tatlong oras nilang inapula ang apoy at kinailangan pang magpasaklolo sa ibang BFP Firetrucks ng mga kalapit na bayan at lungsod.
Nabatid na ang bodega ay pag-aari ni Mayor Edward Quilala.
Inuupahan ito ng isang Jene Pua Wu at ang caretaker naman ay si Weichuan Wu, parehong Chinese national.
Pahirapan aniya nilang makausap ang caretaker dahil hindi masyadong marunong magsalita ng Tagalog kaya kailangan nila ng interpreter.
Sinabi nito na isang barangay tanod ang nakakitang may lumalabas na usok sa bodega at nang kanyang pinuntahan ay wala ang caretaker dahil may binili.
Palaisipan naman sa BFP kung paano nasunog ang bodega dahil tatlong buwan na itong hindi nagagamit simula nang ipatupad ang lockdwon noong Marso.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga kasapi ng BFP para malaman kung ano ang sanhi ng sunog.















