Isinisisi pa rin ng Department of Energy (DOE) sa nangyayaring giyera sa Russia at sa posibleng European Union oil embargo sa Russian oil ang muli na namang oil price increase ngayong Martes, Abril 26.
Ito na ang ang ikalawang sunod na linggo na meron na namang pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo.
Una nang nag-abiso ang mga kompaniyang PTT, Jetti, Sea Oil, Caltex, Shell, Metro Oil at Cleanfuel ng P3 taas ng presyo ng gasolina sa kada litro at aabot naman sa P4.10 sa krudo.
Kinumpirma rin naman ng Caltex, Shell, Metro Oil at SeaOil ang taas sa kerosina bawat litro sa P3.50.
Sinasabing ang Caltex ay magpapatupad ng oil price hike simula alas-12:01 ng madaling araw habang ang Cleanfuel naman ay epektibo alas-8:01.
Dakong alas-6:00 bukas naman ng umaga magsisimula ang price adjustment ng PTT, Shell, Jetti, SeaOil at Metro Oil.