Nagbabala si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr. na maaaring malagay sa peligro ang ₱3.2-trillion revenue goal ng pamahalaan para sa taon kapag ipinatupad ang panukalang total ban sa online gambling.
Sinabi ni Lumagui na mapipilitan ang BIR na i-adjust ang fiscal outlook nito sakaling ipatupad ang ban sa internet gaming at iba pang online gambling platforms.
Binigyang-diin ng BIR chief na malaki ang naiaambag ng gaming sector sa national treasury.
Aniya, ang BIR ay kasalukuyang nasa tamang direksiyon, makaraang makakolekta ng ₱1.5 trillion sa first half ng 2025, na mas mataas ng 0.5 percent sa midyear goal ng ahensiya.
Gayunman, nilinaw ng Commissioner na ang pag-alis sa malaking pinagkukunan ng revenue sa kalagitnaan ng taon ay maaaring lumikha ng malaking kakulangan sa koleksiyon, lalo na’t patuloy na umaasa ang pamahalaan sa nakokolektang buwis upang pondohan ang mahahalagang serbisyo publiko.
Ang pahayag ni Lumagui ay sa gitna ng muling panawagan ng mga mambabatas at civil society groups para sa total ban sa e-gambling dahil sa umano’y ugnayan nito sa kriminalidad, addiction, at social disruption.
May ilang naglalabang panukala ang kasalukuyang tinatalakay sa Kongreso — ang ilan ay nagmumungkahi ng mas mahigpit na regulasyon at 10% na buwis sa sugal upang pondohan ang mental health at rehabilitation services, habang ang iba naman ay nagsusulong ng tuluyang pagbabawal sa lahat ng domestic at offshore online gambling operations.
Sa ngayon, nananatiling walang tiyak na pahayag ang administrasyong Marcos sa isyu, kung saan sinasabi ng mga opisyal na ang bagay ay kasalukuyang sumasailalim sa masusing pagsusuri at ang desisyon ay gagawin batay sa maingat na pagtataya ng mga epekto sa ekonomiya at lipunan.
Ang mga industry stakeholder ay nagpahayag ng pagkabahala sa posibleng pagkawala ng libo-libonhlg trabaho at ng paglipat ng mga gumagamit sa unregulated o illegal platforms kapag ipinatupad ang ban nang walang sapat na transition measures.
Hinikayat ni Lumagui ang mga policymaker na isaalang-alang ang revenue implications at ang pangangailangang balanesehin ang mga alalahaning moral sa economic realities, lalo na sa isang post-pandemic economy na bumabangon pa mula sa fiscal na paghihirap.
Habang nagpapatuloy ang mga deliberasyon, muling pinatibay ng BIR ang kanilang pangako sa pagsunod sa buwis at revenue efficiency, ngunit binigyang-diin na ang katatagan sa mga pangunahing sektor na nag-aambag sa buwis ay magiging kritikal upang makamit ang taunang target ng ahensiya.