-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Natanggap na ng mga left-out beneficiaries sa Pigcawayan, Cotabato ang nasa P3,115,000 na kabuuang halaga ng Social Amelioration Program (SAP) cash assistance mula sa pamahalaan bilang tulong sa mga labis na apektado ng krisis na dulot ng pandemiyang COVID-19.

Nasa 623 left-outs mula sa 12 barangay nito kabilang ang Brgy. Patot (68), Payong-Payong (41), Presbitero (35), Kimarayag (77), Tubon (48), Cabpangi (8), Libungan Torreta (9), Datu Mantil (13), Kadingilan (34), Buricain (41), Malagakit (23) at Bulucaon (226) ang nakatanggap ng P5,000 bawat isa.

Nilinaw ng Local Government Unit o LGU-Pigcawayan na ang mga left-outs o waitlisted beneficiaries ay ang mga pamilyang kwalipikado o kabilang sa poorest of the poor sector ngunit hindi nakasali sa mga nakatanggap ng SAP sa unang bugso ng pamamahagi nito.

Samantala, ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), magpapatuloy ang pamamahagi nito sa mga left-outs ng 27 pang barangay sa bayan sa mga susunod na araw.

Nagpapasalamat naman ang LGU-Pigcawayan sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), MSWDO at 34th Infantry Battalion – Philippine Army na naging katuwang nito sa pamamahagi ng SAP cash assistance sa bayan.