KALIBO, Aklan — Pinag-aaralan pa ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board Region-6 ang panukalang P200 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Western Visayas.
Sa interview ng Bombo Radyo Kalibo, sinabi ni Atty. Sixto Rodriguez Jr., Regional Director ng DOLE-6 at chairman ng RTWPB, kasalukuyang nire-review ng board ang petisyon para sa dagdag-sahod matapos mapakinggan ang magkabilang panig sa isinagawang public hearing at consultation noong Oktubre 8 sa Iloilo City at lalawigan ng Aklan.
Aniya, pagkatapos ng public hearing sa Negros Occidental, inaasahang magpapalabas na ng desisyon ang RTWPB sa Oktubre 23, at target itong ipatupad sa Nobyembre ng kasalukuyang taon.
Sa naturang konsultasyon, umapela umano ang employers sector para sa patas na desisyon na makakatulong sa mga empleyado ngunit hindi naman makapalugmok sa mga employer, kung saan, masyadong mabigat para sa kanila ang P200 na umento.
Giit ni Rodriguez, hangad nilang makabuo ng patas na desisyon para sa magkabilang panig.