-- Advertisements --

DAVAO CITY – Makakatanggap ng P2 milyon na pabuya ang sinumang makapagtuturo sa mga suspek at mastermind sa pagpaslang kay Barangay Captain Oscar “Dodong” Bucol Jr. ng Tres de Mayo, Digos City.

Inihayag ni Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Vice President Sara Duterte, na maglalaan ang Bise Presidente ng P1 milyon bilang pabuya upang matukoy ang mga nasa likod ng krimen.

Samantala, magbibigay din ng P1 milyon si Davao del Sur Governor Yvonne Cagas, kung saan P500,000 ang nakalaan para sa makapagpapahuli sa gunman, at P500,000 naman para sa makapagtuturo sa mastermind.

Isinailalim na rin sa paraffin test ang ilang person of interest, kabilang ang isa umanong nabanggit ng biktima bago siya bawian ng buhay, si PLtCol. Peter Glenn D. Ipong.

Mahigit 21 personnel ang inirelievo sa kanilang puwesto upang matiyak na hindi maaapektuhan ang nagpapatuloy na imbestigasyon.

Tinutukoy ng mga imbestigador ang ilang posibleng motibo sa pagpaslang, kabilang ang personal na alitan, pulitika, sugal, at negosyo.

Ayon sa pinakahuling update, nagpapatuloy ang CCTV review upang matukoy ang posibleng entry at exit route ng sasakyan ng mga suspek.

Sa opisyal na pahayag ng LGU, kinilala si Kapitan Bucol bilang hindi lamang lider ng barangay, kundi haligi ng komunidad, kaibigan, at tapat na lingkod-bayan na buong puso at matatag na naglilingkod sa kanyang mga nasasakupan.

Tinawag ng LGU ang insidente bilang isang malaking trahedya para sa Barangay Tres de Mayo, at kanilang hiniling ang kumpleto, patas, at mabilis na imbestigasyon mula sa mga awtoridad.

Ayon pa sa pahayag, “Nagpahinga na si Dodong, ngunit ang kanyang naiambag ay mananatili sa aming mga puso.”