CEBU CITY – Umabot sa tinatayang P19.6 million na halaga ng iligal na droga ang napasakamay ng mga otoridad sa magkakaibang illegal drug operation sa Cebu.
Una nito, umabot sa P5.6 million ng fully grown marijuana ang nabunot ng operatiba ng Cebu Police Provincial Office sa Sitio Decapon, Brgy. General Climaco, lungsod ng Toledo.
Nagpapatuloy naman ang manhunt operation ng otoridad sa mga responsable ng marijuana plantation sa naturang lugar.
Ito ay matapos na makatakas umano ang mga suspek sa isinagawang operasyon ng mga operatiba.
Samantala, nakumpiska naman ng Lapu-Lapu City Police ang nasa P14 million na halaga ng pinaniwalaang shabu mula sa isang high value target individual sa Sitio Saac II, Brgy. Mactan, Lapu-Lapu City, Cebu.
Kinilala ang suspek na si Mark Gil James Cartuciano Dangarang alyas James, 22, at residente ng B. Aranas Ext., Brgy. Fatima, Cebu City.
Nakuha mula nito ang isang backpack, paper bag, transparent plastic sachets na may laman na pinaniwalaang shabu at ang iba pang kagamitan.
Dumating mismo sa lugar si Lapu-Lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan at binigyang diin nito na iwasan ng mga durugista na pumasok sa lungsod ng Lapu-Lapu dahil tiyak na maaaresto ang mga ito dahil hindi natutulog ang otoridad sa lungsod.
Pinuri naman ni Chan ang Lapu-Lapu City Police sa naturang accomplishment.
Kaugnay nito, nasa kustudiya na ng otoridad ang suspek at nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.